LIBONG residente at motorista ng Barangay Tambubong at kalapit-bayan ng Bocaue, Bulacan ang makikinabang sa pagbubukas sa publiko ng tatlong tollgates ng Tambubong Interchange sa isinagawang inaugural at opening ceremony kahapon ng umaga.
Ang NLEX Tambubong Interchange, ay para magkaroon ng panibagong daan sa public traveling papunta at manggagaling sa bayan ng Bocaue gayundin ang mga bayan sa eastern part ng Bulacan tulad ng Sta. Maria, Norzagaray, Pandi at Angat.
Ito ay sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3 at NLEX Corporation, na naglalayon na mabawasan ang mabigat na trapiko sa Bocaue Interchange bilang alternate route papasok ng NLEX mula sa mga nasabing bayan vice versa.
“Our motorists may now travel with ease and bypass the congestion along Gov. Halili Road in Bocaue as we are opening these entries and exit roads that will link NLEX to the eastern parts of Bulacan,” ayon kay DPWH Secretary Mark A. Villar.
Ang Tambubong Interchange ay mayroong 290-meter two-lane sa southbound entry; 180-meter northbound entry; at three-lane, 240-meter northbound exit.
Ayon naman kay NLEX Corporation President and General Manager J. Luigi L. Bautista, ang naturang bagong access roads ay magpapabuti at magpapagaan sa daloy ng trapiko sa road network ng probinsiya partikular na sa Bocaue Interchange.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Bocaue Mayor Joni Villanueva-Tugna sa pagsasakatuparan sa nasabing proyekto na hindi lamang makapagdudulot ng kaginhawahan sa mga Bocaueño kundi maghahatid din ng trabaho at negosyo sa nasabing bayan. ELOISA SILVERIO
