TINIYAK ng kasalukuyang power distribution utility sa Iloilo City na More Electric and Power Corp. (More Power) na matatapos na ang mga nararanasang brownout sa lungsod sa ipinatutupad nilang 3-year modernization program bilang tugon sa napabayaang power distribution facilities ng pinalitan nilang Panay Electric Company (PECO).
Ipinaliwanag ni More Power Chief Operating Officer and President Roel Castro na sa ilalim ng kanilang ikinasang modernization program ay nasimulan na nila ang pagsasaayos ng power distribution system pangunahin na rito ang paglalagay ng looping system sa 69-kilovolt sub- transmission facility na siyang magsisilbing backup power supply tuwing may gagawing preventive maintenance at repair sa 5 substations sa buong lalawigan.
“Hanggang matapos ang maintenance works ay ilang oras din na walang kuryente, kung may loop system kahit regular ang gawing maintenance sa facilities ay walang power interruption, yung ibang power utilities mayroon na nito, nakapagtataka na sa Iloilo City ay wala pa rin kaya isa ito sa aming prayoridad na matapos agad,” pahayag ni Castro.
Nasa P1.8B ang gagastusin ng MORE para sa modernization program ng buong Iloilo power system na hindi lamang nakatuon sa pagsasaayos ng pasilidad kundi pagmomodernisa sa buong distribution system para makatugon sa mataas na demand ng kuryente pagdating ng susunod na 5 hanggang 10 taon.
Aabot sa 130 sira-sirang transformers ng PECO na nanganganib masunog ang napalitan na rin gayundin ang mga poste ng kuryente na gawa pa sa kahoy ay pinalitan na ng concrete post.
Sinabi ni Castro na mula nitong buwan ng Mayo ay nakumpleto na nila ang pag-repair sa Jaro City Proper at La Paz substations at sa mga darating na linggo ay tatrabahuhin naman nila ang 2 pang substations.
Ipinaliwanag ni Castro na ang narararasang brownout sa kasalukuyan ay resulta ng mga palyado nang pasilidad na kanilang minana sa PECO na kanila nang isinasaayos.
“We assure our consumers of immediate response to these unexpected brownouts so we can hasten the restoration of supply,” pahayag ni Castro.
Idinagdag pa ni Castro na tinututukan din ng More Power ang problema sa jumpers o illegal connections na syang sanhi ng pag-overload sa distribution system.
Para maiwasan na ang paggamit ng jumper ay binabaan ng More Power ang singil sa kuryente sa mga informal settler at ginawa na lamang itong P9 per kilowatt hour.
“ we reduced to rates to at least P9 per kilowatt-hour compared to P20 per kilowatthour the informal settlers paid to individuals who perpetuate the illegal connections,” pahayag ni Castro kung saan mas pinadali na rin ng kumpanya ang pag-apply ng electric meter upang mas maraming mahikayat na magkaroon ng sarili nilang kuntador ng kuryente.
Nauna nang itinanggi ng PECO ang mga alegasyon laban sa kanila tulad ng mga lumang poste na madalas umanong pagmulan ng sunog.
Sa paglilinaw ng PECO, apat sa bawat limang insidente ng sunog sa Iloilo ay mga poste ng telekomunikasyon ang dahilan.
Pinasubalian din ng PECO ang bintang ng MORE Power na sila ang ugat ng mga blackout sa buong Panay.
Nitong Marso, binatikos ng PECO ang pagpasok ng MORE dahil nakasalang sa Korte Suprema ang kaso nila laban dito.
Sabi ng abogado ng PECO na si Atty. Estrella Elamparo ” “This is a petty and ill-advised tactic. They are simply pre-empting the Supreme Court.”
