30 CONTAINER VANS SA NAVOTAS GAGAWING ISOLATION FACILITIES

MINAMADALI ng mga manggagawa ang pagsasaayos ng 30 pirasong 40-footer container vans sa loob ng Centennial Park sa Navotas City upang magsilbing karagdagang isolation facilities na ilalaan sa mga may mild case ng COVID-19 sa lungsod.

Una nang iniulat ng City Health Department kay Mayor Toby Tiangco na puno na ang dalawa nilang community isolation facilities sa Navotas National High School at Navotas Polytechnic College na parehong may tig-210 beds matapos lumobo nang husto ang bilang ng mga residenteng nagpositibo sa COVID-19.

Bagama’t tumugon naman ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa paghingi ng ayuda ni Mayor Tiangco makaraang mabigyan ng 200 slots sa dalawang isolation facilities ng pambansang pamahalaan sa Philippine Arena at World Trade Center, hindi mapigilan ng alkalde ang mahabag sa kanyang mga kababayan na mapalayo sa kanilang lungsod habang nagpapagaling ng karamdaman sa naturang  isolation facilities.

Dahil malapit nang matapos ang paglalagay ng karagdagang isolation facilities sa loob ng Centennial Park, hindi na kinakailangang ilabas pa ng lungsod ang mga Navoteño magpopositibo sa
virus at sa mga container van na ginawang isolation facility na muna sila mananatili habang nagpapagaling.

Malaki naman ang paniniwala ng bawa’t pamilyang Navoteño na hindi pababayaan ng alkalde at ng kanilang kongresistang si Rep. John Rey Tiangco, ang kaligtasan at kapakanan ng mga residenteng tinatamaan ng sakit kaya’t inaayos na mabuti ang mga container van upang gawing isolation facility.

Bagama’t hindi maalis ang pangamba ng marami na mainit sa loob ng van, batid nila na magiging katuwang ni Mayor Toby ang kapatid na si Rep. John Rey Tiangco para tiyaking malagyan ng air
condition ang bawa’t pasilidad upang maging komportable kahit paano ang mga tinatamaan ng nakamamatay na virus. (ALAIN AJERO)

158

Related posts

Leave a Comment