QUEZON – Umabot sa 31 katao ang nasagip makaraang lumubog ang pampasaherong motor banca nang hampasin ng malalaking alon sa karagatang sakop ng Barangay Macnet sa bayan ng Polillo sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.
Kabilang sa mga nasagip ang 25 pasahero at anim na crew ng bangka.
Ayon sa report ng Patnanungan Police, patungong Real Quezon Port ang motorbanca na MB Saint Paul mula sa islang bayan ng Patnanungan nang abutan ito ng malalakas na agos at malalaking alon dulot ng walang tigil na pag-ulan sa lugar.
Pagkaraan ay nagsimulang lumubog ang bangka dakong ala-1:30 ng hapon.
Makaraang makatanggap ng distress signal, agad kumilos ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at search and rescue operation ng MDRRMO ng Polillo at Patnanungan at sa tulong ng bangkang MB Keith Janine ay nailigtas ang lahat ng mga biktima.
Pansamantala namang ipinatigil ng Philippine Coast Guard ang biyahe ng mga bangka patungo at paalis sa Real Port sa Northern Quezon dahil sa masamang panahon. (NILOU DEL CARMEN)
229
