PINAGKALOOBAN ng libreng pabahay ang may 36 na mga dating rebeldeng komunista sa ilalim ng Community Pabahay sa Barangay (CPB) Shelter Program na may temang “Balay Aron Pamilya Mahamugay” ng lokal na pamahalaan ng Davao Occidental sa Brgy. Marabatuan, Jose Abad Santos sa nasabing probinsya.
Sa ginanap na “ground breaking” ng CPB Shelter Program, nagpakitang gilas ang mga dating NPA sa pamamagitan ng pagkanta at pagsayaw. Dinaluhan ito ng mga lokal na opisyal ng probinsya, kapulisan at kasundaluhan ng 73IB na namahagi rin ng food packs sa kanila.
Ayon kay Lt. Col. Ronaldo G Valdez, INF (GSC) PA, kanyang pinasasalamatan ang lokal na pamahalaan ng Davao Occidental sa walang sawang suporta at pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Laking tuwa at pasasalamat naman ng mga dating rebelde na sila’y binigyang pansin ng lokal na pamahalaan tungo sa matiwasay na pamumuhay at pagbabagong-buhay at pag-asa na makamit ang kanilang inaasam na pagbabalik sa lipunan sa tulong ng serbisyong handog ng kasalukuyang administrasyon. (JESSE KABEL)
