CAVITE – Makaraan ang ilang araw na rescue operation, natagpuan na ang bangkay ng apat na indibidwal kabilang ang dalawang batang estudyante at isang lolo, na tinangay ng baha noong kasagsagan ng malakas na ulan sa lalawigan.
Kabilang sa narekober na mga katawan ay kinilalang sina Prince, 10-anyos na Grade 5 student ng Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City; Mohamad, 5-anyos, Kinder; Jesus San Luis, 76, at isang 29 anyos na lalaki na mula sa Kawit, Cavite.
Ang katawan ni Prince ay nakita bandang alas-9:49 ng umaga sa Brgy. Datu Esmael kasama ang inaanod na mga basura.
Matatandaan, bandang alas-3:00 ng hapon noong Hunyo 23 nang tangayin ng baha ang katawan ng biktima habang naglalaro sa tapat ng kanilang bahay nang umapaw ang creek sa kanilang lugar.
Kasunod nito, dakong alas-2:28 naman ng hapon nang marekober ang katawan ni Mohamad sa Anabu Dam sa Brgy. Pasong Buaya 1, Imus City.
Bandang alas-4:00 ng hapon noong Hunyo 23 nang tangayin ito ng baha nang umapaw ang tubig sa Bacao Creek sa kanilang lugar.
Alas-10:45 ng umaga naman nang marekober ang katawan ng 76-anyos na lolo sa creek ng Greenside Homes, Brgy. Malagasang 2-D, Imus City matapos nahulog sa tulay sa Don Placido Campos sa Brgy. Sabang, Dasmariñas habang ito ay naglalakad bandang alas-4:00 ng hapon noong Hunyo 24.
Bandang ala-1:45 noong Miyerkoles hapon nang narekober ang katawan ng nawawalang 29-anyos na lalaki sa isinagawang search and retrieval operation ng Kawit MDRRMO, Kawit BFP at Philippine Coast Guard na unang napabalita na nalunod sa Brgy. Gahak sa Kawit, Cavite.
(SIGFRED ADSUARA)
