4 DAYUHAN INARESTO SA PAGLABAG SA IMMIGRATION LAW

APAT na dayuhan ang inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa mga lumalabag sa batas sa imigrasyon.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, isang South African national ang naaresto noong Pebrero 12 sa Camp Fort Magsaysay sa Nueva Ecija dahil sa paglabag sa kondisyon ng kanyang working visa.

Kinilala ang dayuhan na si Faaiz Ameer Garnie, 32, nahuling nagtatrabaho sa kumpanyang hindi niya petitioning employer—isang paglabag sa mga tuntunin ng kanyang 9G working visa.

Ipinaliwanag ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., isinagawa ang operasyon ng BI Regional Intelligence Operating Unit (RIOU) 3, sa pakikipag-ugnayan sa Military Police ng kampo, batay sa mission order na inilabas ng commissioner.

Pagdating sa lugar ng trabaho, nadatnan si Garnie na aktibong gumaganap bilang project manager ngunit hindi nakapagpakita ng pasaporte o anomang dokumentong pang-imigrasyon. Siya ay inaresto, ipinaalam ang kanyang mga karapatan, at dinala sa BI Main Office para sa booking at dokumentasyon.

Sa parehong operasyon, nadakip din ang isa pang dayuhan na kinilalang si Imran Khattak matapos matagpuang nagtatrabaho bilang operations specialist nang walang balidong working visa. Siya ay isinailalim din sa kaukulang immigration proceedings.

Samantala, sa hiwalay na operasyon noong Pebrero 13, dalawang Chinese nationals ang inaresto ng BI Intelligence Division sa Iloilo dahil sa pag-overstay at paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa.

Kinilala ang mga ito na sina Wang Jiabai, na kilala rin bilang Kevin Wang, 43, at Wang Libi, na kilala rin bilang Lisa, 46-anyos.

Ayon sa BI, nagsagawa ng koordinadong operasyon ang RIOU 6 sa mga bayan ng Balasan at Barotac Nuevo matapos makatanggap ng ulat hinggil sa mga dayuhang umano’y sangkot sa hindi awtorisadong pagtatrabaho.

Natuklasang pinamamahalaan ni Wang Jiabai ang isang negosyo sa Balasan kahit wala na siyang balidong visa extension, at kinumpirmang lampas na siya sa itinakdang panahon ng kanyang pananatili sa bansa.

Samantala, naaresto si Wang Libi sa Barotac Nuevo matapos matagpuang nagtatrabaho sa kumpanyang hindi niya petitioning employer at nabigong magpakita ng balidong pasaporte o immigration documents sa isinagawang inspeksyon.

Kapwa ipinaalam sa dalawa ang kanilang mga karapatan bago dinala sa mga awtoridad para sa booking at dokumentasyon, at kalaunan ay inilipat sa Maynila.

Sila ay kasalukuyang nasa kustodiya ng BI Warden Facility habang nakabinbin ang deportation proceedings.

Binigyang-diin ni Viado ang patuloy na pagpapatupad ng mahigpit na batas sa imigrasyon.

(JOCELYN DOMENDEN)

3

Related posts

Leave a Comment