4 DAYUHANG SEX OFFENDERS, PINIGIL NG BI

APAT na dayuhang mamamayan ang tinanggihan ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Clark International Airport (CIA), at Mactan-Cebu International Airport (MCIA) dahil sa pagiging rehistradong sex offender.

Kabilang si Julian Johnson, 56, isang Amerikano na dumating sa CIA noong Oktubre 26, sakay ng eroplano ng Starlux Airlines mula sa Taipei City, sa mga hinarang sa paliparan.

Nahatulan siya noong 1996 sa Estados Unidos dahil sa kasong acts of lasciviousness sa isang 14- anyos na bata at nasentensyahan ng isang taong pagkakulong at limang taong probation.

Kasama rin si Stefan Andrew Alletson, 34, isang taga-New Zealand, na dumating sa NAIA Terminal 3 sakay ng Cathay Pacific flight mula Hong Kong. Ayon sa Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), si Alletson ay dating nahatulan sa sex crime sa New Zealand.

Ayon sa mga ulat, dating coach ng football si Johnson na nahatulan sa New Zealand dahil sa pagpapadala ng mga larawang may nilalamang sekswal sa 14-taong gulang na mga lalaki.

Hindi rin pinayagang makapasok sa MCIA si Leo Paul Houle, 77, isang Canadian na nahatulan ng child pornography at sex crime laban sa isang 18 taong gulang.

Kabilang din sa mga hindi pinayagang makapasok sa bansa si Charles White, 69, isang Amerikano na nahatulan noong 2007 dahil sa sexual act na kinasangkutan ng isang 15-taong gulang na biktima.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pagiging mapagmatyag ng mga opisyal ng imigrasyon at binigyang-diin na nananatiling matatag ang bureau sa zero-tolerance stance nito laban sa mga dayuhang sex offender na nagtatangkang pumasok sa bansa.

Idinagdag ni Viado na malapit na nakikipagtulungan ang BI sa mga ahensya na pagpapatupad ng batas sa buong mundo at sa PCTC sa pagsubaybay at pagharang sa mga dayuhang may kriminal na rekord.

Ang apat na nagkasala ay agad na inilagay sa blacklist ng BI upang permanenteng hindi makapasok sa bansa.

(JOCELYN DOMENDEN)

70

Related posts

Leave a Comment