CAVITE – Nabuking ang transaksyon sa bentahan ng shabu sa isang tindahan ng plastic wares na umano’y ginawang front ng ilegal na droga, nagresulta sa pagkakadakip sa apat na hinihinalang tulak sa Bacoor City.
Nakumpiska sa mga suspek na sina Lourie Anthony Lorenzo, Jalil Omar, Kenneth Cristobal, at Criselda Nagal, pawang nasa hustong edad, at nasa listahan ng High Value Individuals (HVIs) ng pulisya, ang P448,500 halaga ng hinihinalang shabu.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5, 26 at 11 ng Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa ulat ni Corporal Jerome Asid ng Bacoor City Police, dakong ala-1:00 kahapon ng madaling araw, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Bacoor CPS sa Zapote Market, Brgy. Zapote 4, Bacoor, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakuha sa kanila ang tinatayang 65 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P448,500, buy-bust money at dalawang unit ng cellular phones.
Nabatid na isang tindahan ng plastic wares ang ginawa umanong front sa transaksiyon ng mga suspek sa kanilang mga customer.
(SIGFRED ADSUARA)
