QUEZON – Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10631 o The Animal Welfare Act of 1998, ang dalawang mangingisda matapos na katayin ng mga ito ang nakawalang aso ng isang pamilya na nag-outing sa resort sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito.
Ayon sa report ng Sariaya Police, mula sa Sta. Cruz, Laguna, nagtungo ang pamilya ng may-ari ng aso, sa Villa del Prado Resort sa Barangay Bignay 1, kasama ang dalawang alaga noong Martes.
Subalit bandang hapon nang mapansin ng mga ito na nawawala ang isa nilang alagang aso.
Humingi ang mga ito ng tulong sa mga staff ng resort para mahanap ang alagang aso at nag-alok pa ng halagang P5,000 para sa sinomang makapagbabalik nito.
Matapos na i-post sa social media ang larawan at pabuya, may nagbigay ng impormasyon na ang nawawalang aso ay kasalukuyang kinakatay na ng dalawang mangingisda sa lugar, hindi kalayuan sa resort.
Agad na humingi ng tulong sa pulisya ang pamilya at naaresto ang isa sa mga suspek na si Renato Castillo, 51-anyos, habang nakatakas ang isa pang suspek na si alyas “Bunso”.
(NILOU DEL CARMEN)
