ARESTADO ang apat na kababaihan sa ikinasang buy-bust operation ng magkasanib na pwersa ng RSOG-NCRPO, Ermita Police Station 5 at Makati Police Station, at nakumpiska ang halos isang kilo ng umano’y shabu na tinatayang P6.8 milyon ang halaga sa isang bahay sa 2897 H. Santos, Tejeros St., Makati City alas-2:00 ng hapon noong Miyerkoles.
Napag-alaman, isang police officer na nagsilbing poseur buyer ang nakipagkita sa mga suspek dahil sa timbre na mayroong ilegal na mga transaksyon ng droga sa nabanggit na lugar.
Matapos magkaabutan ng droga at bayad na marked money, dinamba ng mga operatiba ang apat na mga suspek na kinilalang sina Agatha Caray, 45; Mary Grace Caray, 41; Abegail Calvez, 37, at Jovy Linares, 37-anyos.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang P1,400,000 buy-bust money, dalawang cellphone at halos isang kilo ng shabu na P6.8 milyon ang street value.
Isasailalim sa drug testing ang mga suspek bago ihaharap Office of the City Prosecutors sa Makati City para sa inquest proceedings. (DAVE MEDINA/RENE CRISOSTOMO)
