4 MAGKAKAMAG-ANAK NALUNOD SA BAHA

LAGUNA – Nalunod ang apat na magkakamag-anak sa isang barangay sa Biñan City sa lalawigang ito, kung saan dalawang linggo nang binabaha.

Ayon sa ulat, noong Lunes ng gabi nang magkakahiwalay na natagpuan ang bangkay ng magkapatid na sina Josephine Incomio, 15, at Marycris, 13; at magtiyuhin na sina Mark Anthony Atienza, 22, at Jasmin Baguio, 6, pawang mga residente ng Dimaranan Subd. sa Brgy. De La Paz.

Ayon sa report ng pulisya, inutusan umano ng kanyang nanay si Atienza na dalhan ng damit ang kanyang tatay na noon ay nasa lawa.

Ngunit lingid sa kaalaman ng mga magulang, isinama ni Atienza ang tatlo na huling nakita sa bahagi ng Ilog Mariano na nakasakay sa isang sirang refrigerator na ginawang balsa.

Nang hindi nakabalik ang apat, agad nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Biñan City CDRRMO Unit at iba pang volunteer rescue group.

Umabot hanggang lagpas hatinggabi ang paghahanap hanggang sa isa-isang makita ang wala nang buhay na mga biktima.

Itinanggi naman ng mga kaanak na may kinalaman sa paghahatid ng modules sa eskwelahan ang insidente na unang nabanggit sa ibang ulat.

Ang De La Paz ay isa sa mga barangay ng Biñan City na halos dalawang linggo nang lubog sa baha dahil sa mga pag-ulan dulot ng nakaraang mga bagyo na naging sanhi ng pag-apaw ng tubig sa Laguna Lake.

Kaugnay nito, nangako ang pamahalaang lokal ng Biñan na sasagutin nila ang pagpapalibing sa mga biktima. (NILOU DEL CARMEN)

255

Related posts

Leave a Comment