ARESTADO ang magdyowang hinihinalang tulak ng ilegal na droga kasama ang dalawa nilang dabarkads, kabilang ang isang estudyante, nang bentahan ng shabu ang isang undercover cop, at nakumpsikahan ng mahigit P10 milyong halaga ng umano’y shabu sa Malabon City nitong Miyerkoles madaling-araw.
Ibinalibag sa makahiwalay na selda ang live-in partners na sina Jhay Camposano y Acain, 31, dati nang nakasuhan dahil sa ilegal na droga, Rizza Mae Pabon y Umbajin alyas Maymay, 20-anyos.
Dinampot din sa nasabing operasyon sina Remel De Jesus y Tamayo, 29 at Jufirst Soguilon y Geronimo alyas Uno, 26, estudyante ng Arellano University J. Rizal Campus sa Malabon City.
Ayon sa pulisya, nasakote ang apat alas-4:00 ng umaga sa Aquino Rd., Brgy. Tugatog, Malabon City nang bentahan ng shabu ang isang poseur buyer.
Agad dinamba ng mga awtoridad ang mga suspek makaraang makumpiskahan ng 1,485.45 gramo ng shabu na tinatayang P10,101,060 ang halaga.
Kinumpiska rin ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang kanilang Nissan X-Trail na may plakang RHH-597. (ALAIN AJERO/FRANCIS SORIANO)
