APAT ang nasawi habang isa ang kritikal matapos araruhin ng isang ten-wheeler truck na nawalan umano ng preno ang tatlong bahay at 11 sasakyan sa Maharlika Highway, Brgy. Isabang, Lucena City, pasado alas-11:20 ng gabi nitong Sabado.
Kabilang sa mga nasawi ang driver ng truck, dalawang lalaking sakay ng tricycle, at isang binatang nasa loob ng bahay na nadamay sa aksidente. Ayon sa imbestigasyon ng Lucena City Police, galing pa sa Brgy. Calumpang, Sariaya ang truck na kargado ng mga fertilizer at mabilis ang takbo bago mawalan ng kontrol.
Narekober ang katawan ng binata bandang alas-9:15 ng umaga, habang kumpirmadong patay na rin sa ospital ang driver ng truck, ayon kay Lucena City Police Chief PLtCol. Ryan Hernandez.
Kwento ng mga saksi, tuluy-tuloy umano ang pagbusina ng truck at nagliyab na ang unahang gulong bago nito bago salpukin ang mga nakaparadang sasakyan sa harap ng isang istasyon ng radyo.
Tumama rin ito sa iba pang sasakyan, kabilang ang isang pick-up, SUV, at tricycle na noo’y bumibiyahe sa kalsada.
Huling tinamaan ng truck ang tatlong bahay, dahilan ng pagkamatay ng binatang nasa loob at pagkasugat ng kanyang ina na kasalukuyang ginagamot sa ICU. Siyam namang kabataang nagdiriwang ng kaarawan sa kalapit na bahay ang nagtamo ng minor injuries.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkawala ng preno at iba pang detalye ng trahedya.
(NILOU DEL CARMEN)
93
