TARGET ni KA REX CAYANONG
TAMA lamang ang panawagan ng Iglesia Ni Cristo (INC) na gawing bukas sa publiko ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) hinggil sa umano’y malawakang katiwalian sa mga flood control project.
Sa panahong laganap daw ang kawalan ng tiwala ng taumbayan sa ilang ahensya ng gobyerno, ang transparency ay isa sa pinakamabisang paraan upang maibalik ang tiwala ng mamamayan.
Hindi maikakaila na ang mga proyekto sa imprastraktura, lalo na ang flood control projects, ay ginagastusan ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan.
Kaya nararapat lamang na malaman ng publiko kung saan napupunta ang pondong ito, at kung may mga opisyal na nagkamal ng salapi kapalit ng serbisyo, dapat silang mapanagot sa batas.
Makabuluhan ang sinabi ng pamunuan ng INC — na ang kapayapaan ay bunga ng katarungan, at ang katarungan ay makakamtan lamang kung walang itinatago o pinoprotektahan sa ilalim ng imbestigasyon.
Ang mga pagdinig ng ICI ay dapat masaksihan ng sambayanan upang makita nilang patas at tapat ang proseso, hindi isang palabas na uuwi lamang sa walang linaw na resulta.
Kung ang imbestigasyon ay gagawin nang palihim, tama ang babala ng INC na lalo lamang itong magdudulot ng pagdududa at kaguluhan.
Sinasabing sa panahon ngayon, kung kailan mataas ang tensyon sa pulitika, ang anomang pagtatakip sa katotohanan ay nagiging gatilyo ng mas malaking pagkakahati ng bansa.
Nararapat ding ipagpatuloy ng Senado at Kamara ang kanilang sariling imbestigasyon, nang walang panghihimasok o impluwensya mula kaninuman.
Hindi sapat na basta magtayo ng komisyon — kailangan itong kumilos nang may katapatan at pananagutan sa taumbayan.
Dapat maging inspirasyon ang panawagan ng INC: ang katotohanan ay hindi kailangang itago kung wala kang itinatago.
Sa pamamagitan ng isang bukas, tapat, at transparent na imbestigasyon, maipakikita ng pamahalaan na tunay nitong pinangangalagaan ang interes ng mamamayan at hindi ang bulsa ng iilan.
Sabi nga, ang katiwalian ay kalaban ng katarungan, habang ang katotohanan naman, ay sandigan ng kapayapaan.
75
