BULACAN – Apat na kalalakihan ang namatay dahil sa suffocation sa loob ng concrete fermentation tank sa isang abandonadong pagawaan ng patis sa Barangay Panghulo, sa bayan ng Obando sa lalawigan noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Rodolfo Tolentino, caretaker; Michael Lumukso, Eduardo Salomag, at Raffy Felix, 44, pawang mga construction worker.
Ayon sa imbestigasyon, natagpuang patay ang mga biktima dakong alas-2:00 ng hapon sa abandonadong pagawaan ng patis na “Tentay Patis” dahil sa suffocation bunsod ng masangsang na amoy.
Nabatid na nakatanggap ng tawag ang Obando Police Station mula sa isang Luis Galves, admin officer ng Barangay Panghulo, hinggil sa insidente.
Agad namang nagresponde ang mga operatiba sa lugar para magsagawa ng imbestigasyon.
Napag-alaman na isang Allan Dela Cruz, 51, helper ng isang Alfredo Santos, may-ari ng nasabing lugar, ang nagsabi na nakita niya ang isa sa mga biktimang si Rodolfo Tolentino na nakahandusay sa konkretong tangke na may 12-ft. ang lalim.
Lilinisin sana umano ni Tolentino ang nasabing tangke nang mawalan ito ng malay.
Humingi naman ng tulong si Allan sa mga taong nagtatrabaho sa lugar.
Mabilis na nagresponde sina Lumukso, Salomag, at Felix, pawang mga construction worker, ngunit nabigong iligtas ang unang biktima at nalagutan din sila ng ng hininga.
Naglunsad ng rescue and retrieval operation ang Obando BFP at MDRRMO ngunit patay na ang mga biktima. (ELOISA SILVERIO)
