APAT na ang kumpirmadong namatay sa magnitude 7 earthquake sa Luzon at ang sentro ay tumama sa lalawigan ng Abra nitong Miyerkoles ng umaga habang umabot sa 60 ang mga sugatan, ayon sa ulat ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr.
Kabilang sa namatay ang isang construction worker nang mahagip ng nagbagsakang mga debris sa La Trinidad, Benguet, ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Mark Timbal.
Agad na pinakilos ni AFP Northern Luzon Command chief Ernesto Torres Jr. ang kanyang mga area commander para magsagawa ng aerial inspection para malaman ang lawak ng mga pinsala at alamin ang mga lugar na posibleng magkaroon ng rock and landslides bunsod ng lindol at inaasahang aftershocks.
Inihayag din ni Lt. Gen. Torres, inatasan niya ang kanyang mga tauhan na magtayo ng communication command post at makipag-ugnayan sa NDRRMC, Office of Civil Defense, PNP, local government units at DSWD para makatulong sa mabilis na komunikasyon at mobilisasyon ng kanilang mga asset.
Nabatid na tumama ang mababaw ngunit malakas na lindol sa bulubunduking bahagi ng lalawigan ng Abra dakong alas-8:43 ng umaga, ayon sa Phivolcs.
Ang mababaw na pinagmulan ng lindol ay may posibilidad na magdulot ng mas maraming pinsala kaysa mas malalim na epicenter ng lindol.
Iniulat ng mga awtoridad sa Abra na ilang mga bahay at istruktura sa lalawigan ang nasira matapos ang pagyanig, partikular sa kabiserang lungsod ng Bangued at sa bayan ng Lagangilang.
Bukod sa Abra, iniulat din ang nasirang mga istruktura sa Mountain Province at Ilocos Sur, at may mga landslide ding nangyari sa lalawigan ng Benguet na naging sanhi ng power at signal interruption.
Walang iniulat na pinsala sa Metro Manila at Regions 2 at 3, gayundin sa Calabarzon at Mimaropa, dagdag ng NDRRMC.
Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroon itong kabuuang P328 milyon na pondo na naka-standby para sa tulong sa mga biktima ng lindol.
Ang Pilipinas ay regular na niyayanig ng mga lindol dahil sa lokasyon nito sa Pacific “Ring of Fire”, isang arko ng matinding seismic activity na umaabot mula sa Japan hanggang Southeast Asia at sa buong Pacific basin.
Ang lindol nitong Miyerkoles ang pinakamalakas na naitala sa Pilipinas sa nakaraang mga taon.
Noong Oktubre 2013, isang magnitude 7.1 na lindol ang tumama sa Bohol Island, na ikinamatay ng mahigit 200 katao at nagdulot ng pagguho ng lupa. (JESSE KABEL)
