PINADALHAN ng imbitasyon ng Tri-Committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang may kuwarentang social media personalities o mga tinatawag na vloggers, sa pagsisimula ng kanilang imbestigasyon sa pagpapakalat ng fake news at maling impormasyon.
Bukas, Pebrero 4, 2025 ay sisimulan na ng Tri-Comm na binubuo ng committee on public order and safety, public information at information and communications technology ang kanilang imbestigasyon.
Ayon kay Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez, layon ng kanilang imbestigasyon na alamin ang epekto sa publiko ng fake news at maling impormasyon na ikinakalat sa social media at maging sa seguridad ng bansa upang makagawa ang mga ito ng batas laban dito.
“Ang mga Pilipino ay may karapatan sa katotohanan. Dapat protektahan natin ang ating mga kababayan laban sa maling impormasyong nagdudulot ng takot at pagkakawatak-watak sa ating lipunan,” ani Fernandez.
Kabilang sa ipinatawag sina Malou Tiquia, Jose Yumang Sonza, Krizette Lauretta Chu, Mark Anthony Lopez, Allan Troy “Sass” Rogando Sasot, MJ Quiambao Reyes, Vivian Zapata Rodriguez, Ethel Pineda, Lorraine Marie Tablang Badoy-Partosa, Jeffrey Almendras Celiz at Lord Byron Cristobal (Banat By).
Kasama rin sa pinadalhan ng imbitasyon sina Alex Destor (Tio Moreno), Aaron Peña (Old School Pinoy), Glen Chong, Manuel Mata Jr. (Kokolokoy), Elizabeth Joie Cruz (Joie De Vivre), Claro Ganac, Claire Eden Contreras (Maharlika Boldyakera), Jonathan Morales, Cyrus Preglo (Optics Politics), Maricar Serrano, Ernesto S. Abines Jr. (Jun Abines). Maging sina Atty. Trixie Cruz Angeles, Julius Melanosi Maui (Maui Spencer), Darwin Salceda (Boss Dada TV), Elmer Jugalbot (Eb Jugalbot), Cathy Binag, MJ Mondejar, Suzanne Batalla (IamShanwein), Joe Smith Medina (Political Witch Boy), Jeffrey G. Cruz (JCCO / JJ Cruz), Alven L. Montero, Kester Ramon John Balibalos Tan (Mr Realtalker), Edwin Jamora (Reyna Elena), Ma Florinda Espenilla-Duque (Pebbles Duque), Dr. Richard Tesoro Mata (Dr. Richard and Erika Mata), Ahmed Paglinawan (Luminous by Trixie & Ahmed), Ryan Lingo, Atty. Enzo Recto (Atty. Ricky Tomotorgo) at Ross Flores Del Rosario (Wazzup Philippines) ay pinadadalo sa isasagawang imbestigasyon.
Bukod sa mga ito ay inatasan ng komite ang Google, Meta (Facebook), and ByteDance (TikTok) na magpadala ng kanilang kinatawan at maging ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ).
“Hindi natin hahayaang gamitin ang social media upang linlangin ang ating mga kababayan. Panahon na upang maipatupad ang mas mahigpit na batas upang labanan ang fake news at disinformation,” giit ni Fernandez. (BERNARD TAGUINOD)
7