ISINUSULONG ni Senador Loren Legarda ang panukala na naglalayong bigyan ng dagdag na benepisyo ang mga matagal nang miyembro ng PhilHealth.
Sa kanyang Senate Bill 2964, nilalayon ni Legarda na kilalanin ang mga tapat na nagbabayad sa loob ng maraming taon sa pamamagitan ng PhilHealth Member Recognition Program (PMRP).
Alinsunod sa ipinapanukalang programa, magkakaroon ng point-based reward system kung saan ang mga miyembrong matagal nang nagbabayad ng premium ay makakakuha ng puntos.
Saklaw nito hindi lang ang kanilang mga susunod na bayad kundi maging ang mga naibayad nila sa loob ng nakaraang sampung taon o mula noong sila ay nag-enroll sa PhilHealth, basta hindi lalampas sa sampung taon.
Batay sa panukala, ang mga puntos ay maaaring gamitin para sa dagdag na benepisyo tulad ng pagbawas ng out-of-pocket expenses o yung mga gastusin sa ospital na hindi sakop ng PhilHealth, upgrade ng hospital room at iba pang pasilidad, access sa iba pang preventive care services tulad ng check-up, bakuna, at health screenings, maging non-medical health-related services.
Iginiit ni Legarda na maraming miyembro ang matagal nang nag-aambag sa PhilHealth pero pagdating ng bayaran sa ospital, hindi sapat ang natatanggap nilang benepisyo.
“May mga empleyado at maliliit na negosyante na walang mintis sa pagbayad ng PhilHealth, pero kapag sila’y naospital o kaya yung kanilang empleyado, malaking bahagi pa rin ng bill ang sila ang sasagot. Kaya ang pakiramdam nila, hindi sulit, hindi patas,” diin ni Legarda.
Sa ilalim ng panukala, ang mga miyembrong walang palya sa pagbabayad sa loob ng 5, 10, o 20 taon ay makakatanggap ng loyalty bonus.
Upang mas madali naman para sa mga miyembro na subaybayan ang kanilang puntos at benepisyo, magkakaroon ng digital platform kung saan pwedeng i-check ang points, i-redeem ang mga benepisyo, o ipasa ang mga ito sa kanilang pamilya. (DANG SAMSON-GARCIA)
13