NAPATUNAYAN ang bisa ng paghihigpit ng Quezon City government sa mga negosyanteng pasaway, kaugnay ng pinakahuling datos kung saan lumalabas na higit ng mas marami ang sumusunod sa mga alituntuning itinakda ng gobyerno sa gitna ng patuloy na banta ng nakamamatay na COVID-19.
Sa tala ng pamahalaang lungsod, lumalabas na 43,332 na establisimyento sa nasabing lungsod ang ginawaran na ng safety seals bilang patunay ng pagsunod sa health and safety protocols na
magkatuwang na inilatag ng ng Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG), mga local government units (LGUs), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Tourism (DOT), at ng Department of Trade and Industry (DTI).
Pagtitiyak ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, malaking bentahe sa mga negosyante at publiko ang mga safety seals certification na aniya’y indikasyon ng pagtalima sa minimum public health standards (MPHS) na itinatakda ng pamahalaan sa patuloy na laban kontra pandemya.
Aniya, malaking tulong din ang pagtitiyak na ligtas ang mga establisyemento dahil itinataas nito ang kumpiyansa ng ng mga konsyumer na siyang susi sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng “new normal.”
Kasabay nito, hinikayat din ng Kalihim ang iba pang mga negosyanteng makipagkaisa sa gobyerno upang tuluyan nang tuldukan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa tala ng DTI mula pa buwan ng Mayo, mayroon nang kabuuang 85,731 aplikasyon ang natanggap ng mga katuwang na ahensiya ng gobyerno mula sa mga negosyanteng nais makibahagi sa programang ligas na pagnenegosyong inilunsad ng pamahalaan. (LILY REYES)
221 