45 DPWH employees, 40 iba pa sa Pandi, positibo rin 5 BULACAN RTC COURTS NI-LOCKDOWN

LIMANG branch office ng Regional Trial Court sa Malolos, Bulacan ang isinailalim sa lockdown matapos mahawa ang staff members nito ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang nasa 45 na kawani ng Bulacan First District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagpositibo rin sa nasabing virus.

Base sa ipinalabas na order ni 2nd Vice Executive Judge Corazon Domingo-Ranola ng Bulacan Regional Trial Court sa Malolos City sa pakikipag-ugnayan kay Hon. Raul Villanueva, Deputy Court Administrator for Luzon/ OIC Court Administrator, ang mga tanggapan ng RTC Branch 6, 11, 14, 103 at 104 ay pansamantalang naka-lockdown o “physically closed” mula Enero 10 to 22, 2022 makaraang magpositibo sa COVID-19 ang mga empleyado nito.

Ang isang staff ng RTC Branch 11 ay positibo sa naturang virus base sa RT-PCR test result nito na inilabas noong Enero 7.

Dahil ang Branch 11 at Branch 104 ay magkasama sa iisang office space, ang personnel dito ay na-expose sa nagpositibong empleyado kaya ang naturang mga tanggapan ay “physically closed”.

Dalawa naman staff ng RTC Branch 103 ang positibo rin sa COVID-19 gayundin ang staff personnel ng Branch 14.

Nabatid na ang RTC Branch 14 at Branch 6 ay magkasama sa iisang tanggapan kaya nakahalubilo rin ng kawaning maysakit ang mga kasama sa trabaho kaya isinailalim din sa lockdown.

Samantala, nasa 45 namang mga kawani ng DPWH- Bulacan First District Engineering Office ang positibo rin sa COVID-19 makaraang ipatupad ni District Engineer Henry Alcantara ang mass antigen testing sa buong tanggapan noong Lunes.

Ganoon ang sinapit ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Pandi, Bulacan kung saan mahigit sa 40 municipal employees dito ang nagpositibo sa COVID-19 matapos sumailalim sa mass antigen testing. (ELOISA SILVERIO)

150

Related posts

Leave a Comment