“TULUNGAN n’yo rin po kami na kumbinsihin ang inyong mga kaanak at kakilala na sumuko na rin sa pamahalaan upang maranasan nila ang maayos at mapayapang pamumuhay.”
Ito ang pahayag ni Police Regional Office 5 director, P/BGen. Jonnel C. Estomo kasunod ng nangyaring mass surrender ng 49 kasapi ng CPP-NPA bitbit ang may 57 baril, sa Task Force Bicolandia
Kasabay nito, nanawagan si P/BGen. Estomo sa mga Bicolano na huwag nang magkaloob ng ano mang suporta sa communist terrorist group na pilit pa ring niyayakap ang armadong pakikibaka laban sa pamahalaan.
Noong nakalipas na linggo, 49 miyembro at tagasuporta ng communist terrorist group (CTG) ang tinanggap ng security sector sa punong himpilan ng 2nd Infantry Battalion (2IB) sa Barangay Bacolod, Milagros, Masbate.
Pito sa mga sumuko ay regular NPA members, apat ang bahagi ng Milisyang Bayan, dalawa mula sa Sangay ng Partido sa Lokalidad at 36 naman ang mga supporter.
Kasabay sa pagsuko ang pagsasalong ng 57 assorted firearms, isang anti-tank at anti-personnel mine, ibat ibang magazines at mga bala.
Naisakatuparan ang pagsuko sa pagpupursige ng pinagsanib na puwersa ng 903rd Infantry Brigade, 2nd Infantry Battalion, 22nd Infantry Battalion, 31st Infantry Battalion, 96th Infantry Battalion, 91st Division Reconnaissance Company, Masbate 2nd Provincial Mobile Force Company at ilang intelligence units.
Ayon kay Lt. Col. Siegfried Felipe Awichen, Battalion Commander ng 2nd Infantry Battalion, isa itong tagumpay para sa Masbateños na nagsisikap na maging insurgency-free province ang kanilang lalawigan.
Inihayag naman ni Col. Aldwine Almase, Brigade Commander ng 903rd Brigade, agad na pasisimulan ng Philippine Army ang pag-ayuda sa mga sumuko para maaga nilang maranasan ang pagbabagong buhay.
“Bawat buhay na naisasalba natin mula sa peligrong dala ng panlilinlang ng CTG ay tagumpay nating itinuturing kaya nagpapasalamat tayo sa mga kapatid nating ito na nakinig sa ating panawagan na talikuran ang armadong pakikibaka,” ani MGen. Henry A. Robinson Jr., PA, commander ng Joint Task Force (JTF) Bicolandia.
“Hanggang may natitira pang miyembro at tagasuporta ng CTG, hindi tayo hihinto sa pag-akay sa mga kapatid nating minsang nalihis ng landas, pabalik sa kani-kanilang mga pamilya. Nagpapasalamat din tayo sa mga surrenderers na ito na ngayon ay makakasama na natin sa ating paglaban sa terorismo at insurhensya,” ani MGen. Robinson.
365 