4Ps LUSAWIN, PALITAN NG LIVELIHOOD – TULFO

SA halip na parang limos ang ibinibigay ng pamahalaan sa mahihirap buwan-buwan, palitan na lang ng pangkabuhayan.

Ito ang mungkahi ni Senate Social Justice and Welfare Chairman Erwin Tulfo para matuldukan at hindi na maabuso ang programa ng ilan.

Ayon kay Sen. Tulfo, “Maging ang ilang 4Ps members gusto na pangkabuhayan na lang ang ibigay sa kanila kaysa sa buwanang ayuda”.

Ito raw ang pahayag ng ilang 4Ps members noong siya ay naging DSWD Secretary noong 2022.

“Masakit din daw kasi sa kanila na marinig na mga tamad, pabigat, at hindi sila nakakatulong sa bansa,” dagdag pa ni Tulfo.

“Pag binigyan mo kasi sila ng puhunan, may magiging ambag sila sa ekonomiya kahit na magtayo lang sila ng maliit na mga karinderya o sari-sari store, o pagbenta ng anomang bagay online,” aniya.

Ayon pa sa mambabatas, “Unfair din naman kasi doon sa mga low wage earner tulad ng mga sekyu, janitor, o katulong na hindi magkasya ang sahod pero walang buwanang ayuda sa gobyerno tulad ng 4Ps dahil hindi sila qualified”.

Imumungkahi umano niya ang mga ito kina DSWD Sec. Rex Gatchalian at Pangulong Bongbong Marcos kapag nagkita sila.

“Alam ko noon pang pag-upo ni PBBM na poverty mitigation ang isa sa mga prayoridad ng administrasyong ito. Pero the question is paano,?” dagdag pa ni Tulfo.

107

Related posts

Leave a Comment