NGAYONG Marso 10-12 idaraos ang 4th round ng National COVID-19 Vaccination Days.
Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na may ilang lugar sa bansa ang ibinaba na ang alert level status simula nitong Marso 1.
Ang national vaccination drive ngayong buwan ay nakatuon sa residential houses at workplaces o lugar ng trabaho.
“That will be a Thursday, Friday and Sabado ang ating Bayanihan Bakunahan NVD (National Vaccination Day) Part 4,” ayon kay Cabotaje.
“Ang ating tema ay ‘March to Vaccinate,’ kasi dadalhin natin sa mga bahay-bahay at saka sa mga workplace ang ating bakuna,” dagdag na pahayag nito.
Aniya, naging matagumpay ang House-to-house vaccination sa ilang lugar gaya ng Ilocos Region at Cagayan Valley.
Ang mga lugar sa mga nasabing rehiyon ay nagawang i-fully vaccinate ang 70% ng kanilang target, na mayroong maraming miyembro ng elderly population ang nakatanggap ng kanilang COVID-19 shots.
Nauna rito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na target ng fourth National Vaccination Days na mabigyan ng booster shots ang senior citizens at primary series para sa pediatric population. (CHRISTIAN DALE)
167
