5 BUWAN ALLOWANCES NG PWD SCHOLARS IPINAMAHAGI SA NAVOTAS

NAGSIMULA nang mamahagi ng cash allowance para sa special education (SPED) students ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas.

Aabot sa 375 benepisaryo ng Persons with Disabilities (PWD) Students Educational Assistance/Scholarship ang nakatanggap ng kanilang P2,500 cash allowance para sa buwan ng Enero hanggang Mayo.

Sa nasabing bilang, 341 ang elementary students, 12 ang nasa high school, at 22 ang naka-enroll sa Navotas Polytechnic College.

Sa ilalim ng scholarship, nagbibigay ang Navotas sa PWD students ng P500 monthly educational assistance o P5,000 kada academic year.

Inaasahan namang ang mga iskolar ay dadalo sa hindi kukulangin sa 90% ng itinakdang araw ng klase kada taong pampaaralan at aktibong makikibahagi sa kani-kanilang mga klase.

“This school year has been difficult for our learners, especially those who are differently-abled. We hope that through the educational assistance, we were able to lessen their worries and help them cope with the challenges brought about by the pandemic,” ani Mayor Toby Tiangco.

Ang mga aplikante para sa programa ay kailangang Navoteño o isa man lamang sa kanilang mga magulang o tagapangalaga ay residente at rehistradong botante ng lungsod, at kailangang naka-enroll ang aplikante sa pampublikong paaralan o anumang SPED school sa siyudad.

Kailangan ding may PWD identification card ang mga aplikante na inisyu o validated ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) at ang kanilang mga pamilya ay hindi dapat benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. (ALAIN AJERO)

171

Related posts

Leave a Comment