DINAKIP ang limang Chinese nationals ng Bureau of Immigration (BI), sa tulong ng 10th Infantry (Agila) Division ng Philippine Army, dahil sa umano’y paglabag sa Philippine immigration laws sa Trento, Agusan del Sur.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng Law Enforcement Support Operations (LESO) ang mga tauhan ng 67th Infantry Battalion (67IB) upang suportahan ang operasyon ng BI na nagresulta sa pagkakaaresto sa limang dayuhan.
Isinagawa ang joint law enforcement operation sa Mayokada Enterprise Compound sa Purok 4, Barangay Pulang Lupa, Trento, sa pangunguna ng Bureau of Immigration, katuwang ang Philippine Army, intelligence at security agencies, at mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa BI, sangkot umano ang limang dayuhan sa mga paglabag sa immigration laws, kabilang ang misrepresentation, fraud, at iba pang immigration-related violations.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI ang mga suspek habang isinasagawa ang karagdagang imbestigasyon at paghahanda sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Binigyang-diin ni Major General Alvin Luzon, Commander ng 10th Infantry (Agila) Division, ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya sa pagpapatupad ng national security at rule of law.
Ayon kay Luzon, nananatiling nakahandang suportahan ng Philippine Army ang mga lehitimong law enforcement operation upang matiyak na sumusunod sa batas ng Pilipinas ang lahat ng dayuhan at mapangalagaan ang seguridad ng mga komunidad.
(JESSE RUIZ)
75 