KATUWANG ang Bureau of Customs, nasamsam ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang P700 milyong halaga ng mga pekeng produkto sa isang warehouse sa Imus City, Cavite, sa ikinasang operasyon laban sa umano’y smuggled contrabands.
Ayon sa ulat na ipinarating sa PNP headquarters at maging sa tanggapan ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, nakumpiska ng mga operatiba ng PNP-CIDG kasama ng Bureau of Customs (BOC), na sinuportahan ng Cavite Police Provincial Office, Cavite Maritime Group, at ng Philippine Coast Guard (PCG), ang mga umano’y smuggled na mga sapatos sa isang warehouse sa Imus City, Cavite.
Ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico II, kabilang sa mga nakumpiskang counterfeit products ang mga sapatos na may brand na Adidas, On Cloud, New Balance, ASICS, Crocs, Nike, Puma, Converse, Skechers, at Louis Vuitton.
Inilunsad ang operasyon matapos makatanggap ang CIDG ng beripikadong impormasyon na may nakaimbak na mga kontrabando sa isang warehouse sa Barangay Alapan II-A, Imus City.
Una rito, nakipag-ugnayan ang CIDG sa Bureau of Customs (BOC), na naglabas ng Letter Order at Mission Order na nagbibigay ng awtoridad sa mga operatiba na magsagawa ng inspeksyon, paghahanap, at pagsamsam sa mga produktong lumalabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Narekober sa nasabing lugar ang mga substandard at counterfeit o trademark ng mga kilalang brand ng sapatos na tinatayang nasa P700 milyon ang halaga.
Ayon sa ulat ng pulisya, sila ay umaksyon batay sa ulat ng umano’y smuggled na mga sapatos at nag-isyu ng Letter Order at Mission Order ang BOC para bigyang awtoridad ang pinagsanib na mga ahensya na mag-inspeksyon, mangalap at magkumpiska ng mga produktong lumalabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Kaugnay nito, wala namang nahuling mga suspek ang mga awtoridad nang isagawa ang nasabing operasyon.
(JESSE RUIZ)
65 