5 LAGLAG SA P58-M SHABU SA CAVITE

TINATAYANG P58 milyong halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska ng magkasanib na pwersa ng Manila Police District, PDEA-Cavite Provincial Office at Imus City Police makaraang madakip sa ikinasang buy-bust operation ang limang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa Imus City noong Sabado.

Kinilala ni MPD Director P/BGen. Leo “Paco” Francisco ang arestadong mga suspek na sina Tamano Daud y Mama, 41; Ismael Daud y Gogo, 24; Norma Maguid y Badal, 36; Bainor Maguid y Ayunan, 23, at Omar Redia y Ahmed, 42-anyos.

Batay sa ulat ng pulisya, nagkasa ang mga awtoridad ng buy-bust operation sa teritoryo ng mga suspek sa nabanggit na lungsod na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang 8.533 kilo ng umano’y shabu na tinatayang P58,024,000 ang street value.

Ayon kay P/BGen. Francisco, ang mga suspek ay kaanib ng Tamano drug group na malawakang nagbebenta ng ilegal na droga sa Metro Manila at Rizal Province, at may kaugnayan sa drug suspect na nagngangalang Montassir Sabal.

Bukod sa ilegal na droga, nakumpiska rin sa mga suspek ang isang .45 kalibreng baril, 9MM Glock 17, at mga bala.

Napag-alaman pa sa pulisya na ang suspek na si Daud ay may nakabinbing kasong murder. (RENE CRISOSTOMO)

172

Related posts

Leave a Comment