TINIYAK ni PNP-Police Regional Office 5 Director, P/Brig. General Jonnel C. Estomo na makakamit ang hustisya ng pamilya ng lima kataong napatay sa pamamaril sa Zone 1, Brgy. Tarusanan, Milaor, Camarines Sur noong Biyernes ng hapon.
Ayon sa ulat mula sa Camarines Sur Police Provincial Office (CS PPO), lima sa anim na magkakapamilya ang napatay sa naturang insidente, kabilang ang tatlong mga bata habang isa naman ang nasa pagamutan at patuloy na nakikipaglaban sa kanyang buhay dahil sa matinding pinsala sa katawan.
Kinilala ang mga napatay na sina Romeo de Leon y Perez, 72; Samuel Cobilla Jr. y De Leon, 21; Noela Agliones y De Leon, 7l; Hobbie John Britanico y De Leon, 6, at Robbie John Britanico y De Leon, 4-anyos.
Samantala, nasa kritikal pa ring kalagayan ang isa pang menor de edad na si Hades John Britanico y De Leon, 7-anyos.
Ayon sa inisyal na ulat, isang lalaking armado ng M-16 armalite riffle ang sumugod sa tahanan ng mga biktima bandang alas 5:30 ng hapon at pinaulanan ng bala ang mga biktima.
Agad ding ipinag-utos ni PNP chief, General Guillermo Eleazar na huwag tantanan ang manhunt operation laban sa suspek sa Karumal-dumal na krimen na kinilalang si Arturo De Leon y Nullan, nasa hustong gulang, residente rin ng nasabing lugar.
“Dahil dito, nagbigay na ako ng kautusan sa RD ng PRO5 na kilalanin at hulihin ang sino mang nasa likod nito sa lalong madaling panahon,” ani Gen. Eleazar.
Batay sa nakalap na impormasyon, habang ang mga biktima ay nasa kasarapan ng panonood ng telebisyon nang biglang pumasok ang suspek na nakasuot ng camouflage na uniporme at walang pakundangang binaril sa mukha at iba’t ibang parte ng kawatan ang matandang si Romeo.
Kasama rin sa mga tinamaan ang dalawang menor de edad na sina Hobbie at Robbie.
Hindi pa nakuntento, tinungo pa umano ng suspek ang karatig na bahay kung saan nakatira sina Luzviminda Cobilla, ina ni Samuel.
Upang sagipin ang ina sa tama ng bala mula sa suspek ginawang pananggalang ni Samuel ang kanyang katawan at sinalo ang bawat putok ng bala na agad nitong ikinamatay. Para masigurong patay ang kanyang target ay hinagisan pa umano ni De Leon ng Granada ang kusina ng bahay at natamaan sa pagsabog nito si Noela.
Nadala pa sa pinakalamapit na ospital ang mga biktima, ngunit si Samuel at Romeo ay idineklarang dead on arrival habang sina Robbie, Hobbie at Noela ay binawian ng buhay habang nilalapatan na paunang lunas.
Sa inilahad na salaysay ng ibang kaanak ng mga biktima, matagal nang iringan at awayan sa lupa ang posibleng motibo sa insidente.
Nakipag-ugnayan na ang PNP Bicol sa mga saksi sa pangyayari para sa ikalulutas ng insidente.
Hinikayat ni RD Estomo ang pakikipagtulungan ng mga miyembro ng komunidad upang mas mapabilis ang paghahanap sa suspek Kaugnay nito, sinabi ng PNP chief na ‘wakeup call’ ang pangyayari sa Camarines Sur para paigtingin ng unit commanders ang kanilang operations para mabawi ang loose firearms.
Inatasan din ni P/Gen. Eleazar ang lahat ng unit commanders na palakasin pa ang kampanya kontra loose guns at private armed groups bilang bahagi ng early election security preparations.
“I have also directed all our Regional Directors to give me an update on their campaign against loose firearms in their respective Areas of Responsibility. We need to double our efforts to take away loose firearms from the streets and from the communities because these are usually being used as instruments of crime,” dagdag pa ng PNP chief. (JESSE KABEL)
215 