52 katao, missing pa rin NASAWI SA BAGYO SUMIPA NA SA 208

SUMAMPA na sa 208 ang kabuuang bilang ng mga nasawi bunsod ng paghagupit ng bagyong Odette sa mga lalawigan sa Visayas at Mindanao, batay sa datos ng Philippine National Police (PNP).

Bukod sa bilang ng mga namatay, may naitalang 52 katao ang hindi pa natutunton ng search and rescue teams na pinakawalan ng PNP at local government units (LGU). Nasa 239 katao naman ang nasaktan.

Samantala, malayo naman sa naitalang bilang ng PNP ang datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mayroon lamang 58 casualties, 18 missing at 199 injured sa kanilang datos.

Katwiran ng NDRRMC, bineberipika pa nila ang 49 iba pang iniulat sa kanilang tanggapan.

Sa isang pahayag, nilinaw naman ni PNP spokesperson Col. Rhoderick Alba na ang kanilang datos ay batay sa kanilang natatanggap na ulat sa mga PNP provincial command na siyang kumakalap ng datos mula naman sa mga lokal na pulisya.

Kabilang sa mga dahilan ng pagpanaw ng mga biktima ay ang pagkalunod sa baha, pagtabon ng mga gumuhong lupa, pagkabuwal ng mga puno at poste, at mga nagliliparang yerong natungkap sa mga kabahayan bunsod ng malakas na bugso ng hangin.

Pinakamaraming nasawi sa Central Visayas na may 129. Sinundan ito ng CARAGA region na may 41 nasawi at Western Visayas na may 24 na binawian ng buhay.

Pitong katao naman ang nasawi sa Northern Mindanao, babang anim sa Eastern Visayas at isa sa Zamboanga Peninsula.

Nasa 103,111 pa ang nananatili sa mga itinakdang evacuation centers sa Western at Central Visayas at maging sa CARAGA region. (JESSE KABEL)

151

Related posts

Leave a Comment