UMABOT sa 54 motorcycle riders ang tinikitan ng mga tauhan ng Inter-Agency Council on Traffic (i-ACT) dahil sa hindi pagsusuot ng standard na helmet, sa ikinasang operasyon noong Miyerkoles ng umaga.
Naaktuhan ng mga tauhan ng i-ACT Special Operations Team sa kanilang operasyon sa Bgy. Ususan, Taguig City, ang motorcycle riders na karamihan ay gumagamit o nakasuot ng “nutshell” helmet na karaniwang isinusuot ng mga nagbibisikleta at nag-i-skateboarding.
Tinatawag ang nasabing helmet bilang “nutshell” dahil kalimitan ang itaas na bahagi lamang ng ulo ang natatakpan nito at walang visor sa mukha at butas-butas din ito.
Ipinaliwanag ng i-ACT na hindi pasok ang nutshell sa panuntunan ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa tamang helmet, at lalong mapanganib para sa mga nagmomotorsiklo dahil hindi protektado ang buong ulo lalo na sa mga mabilis magpatakbo.
Alinsunod sa Republic Act 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009, pagmumultahin ng mula P1,500 hanggang P10,000 ang motorcycle rider na mahuhuling hindi nakasuot ng standard helmet.
Samantala, limang sasakyan, kabilang ang apat na van na umano’y pawang colorum at isang jeep na walang QR code na kailangan para makapasada, ang na-impound ng grupo ng I-ACT at Land Transportation Franchising and Regulatory Board. (DAVE MEDINA)
