55 PATAY, LIBONG EVACUEES INIWAN NI ‘PAENG’

SUMAMPA sa 55 katao ang nasawi, 20 ang nawawala at mahigit apatnapu (40) ang nasugatan sa pananalasa ng Bagyong Paeng.

Sa ulat mula sa Mindanao Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) as of 12:40pm kahapon ay 55 na ang kumpirmadong nasawi.

Alas-8 ng umaga kahapon, sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na 37 katao ang kumpirmadong namatay habang 11 ang bina-validate.

Ngunit pagsapit ng 12:40pm ay umakyat na sa 55 ang mga nasawi at mahigit isang milyong katao naman ang apektado ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng na may international name na Nalgae.

Sa inisyal na ulat, 40 ang naitalang nasawi mula sa Bangsamoro region, sinundan ng tatlo mula sa Soccsksargen, dalawa sa Western Visayas at dalawa sa Eastern Visayas, habang isa sa Bicol region.

Sa kabilang dako, may kabuuang 932,077 katao o 277,383 pamilya ang apektado sa 2,445 barangay sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro, at Cordillera Administrative Region (CAR).

“As of Sunday,” 168,453 displaced people o 44,847 pamilya ang nananatili sa 2,125 evacuation centers habang 196,293 displaced people o 88,348 pamilya ang nananatili sa labas ng evacuation centers.

Mayroon namang 40,319 katao o 10,948 pamilya ang “pre-emptively evacuated” sa iba’t ibang rehiyon.

Ang pinsala sa agrikultura ay umabot naman sa P54,965,924.13 sa Western Visayas at Soccsksargen, ayon sa Department of Agriculture.

Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 714 houses damaged dahil kay Paeng, may 555 ang partially damaged at 159 ang totally damaged.

Mayroon namang 147 lansangan at 53 mga tulay ang hindi madaanan.

May kabuuang 124 lungsod at munisipalidad ang nakaranas ng kawalan ng suplay ng kuryente. Kahapon ay naibalik din ang suplay ng kuryente sa 31 lugar.

Tinatayang 8 lungsod at munisipalidad ang nakaranas naman ng water supply interruption.

Dahil sa bagyo, may 662 klase at 201 work schedules ang suspendido.

May kabuuang 55 lungsod at munisipalidad ang idineklarang nasa ilalim ng state of calamity.

National State
of Calamity

Suportado naman ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magdeklara ng national state of calamity dahil sa pinsalang iniwan ng Bagyong Paeng.

“Almost all regions in the country were affected by the onslaught of STS Paeng, which destroyed bridges, roads and key infrastructure and wrought havoc to life and property,” ani House Speake Martin Romualdez.

Sa briefing kasama si Pangulong Marcos Jr., inirekomenda ni NDRRMC Executive Director and Office of Civil Defense Administrator Raymundo Ferrer na magdeklara ng state of calamity sa loob ng isang taon, maliban na lamang kung kaagad itong babawiin.

Bilang tugon, sinabi ng Pangulo na hihintayin muna niya at pag-aaralan ang resolusyon na isinumite ng NDRRMC.

Samantala, sinabi ni Romualdez na kanya-kanyang hingi ng tulong ang mga mambabatas at local officials para sa mga kanilang mga kababayan at lugar na nasasakupan na labis na nasalanta ng matinding pagbaha at landslide.

Kabilang sa mga mambabatas na nagpapasaklolo ngayon sa Kamara ay mula sa Maguindanao, Lanao del Nor, Zamboanga, Marinduque, Negros Island, Aklan Laguna, Quezon, Bicol region at marami pang iba.

“Nananawagan din tayo sa pribadong sektor na makibahagi sa relief operations drive na ito at magpadala ng anomang tulong na maibabahagi nila sa mga nasalanta ng bagyo. Sa mga nagnanais at interesadong tumulong, maari po kayong tumawag sa numerong 09171064969,” ani Romualdez.

Kaugnay nito, sinabi ni Romualdez na babaguhin ang inaprubahang 2023 general appropriations act (GAA) o national budget upang mapondohan ang mga imprastraktura, agrikultura na sinira ng Bagyong Paeng sa buong bansa.

Hindi pa ganap na bumabagsak sa kalupaan ang Bagyong Paeng ay inilubog na nito ang maraming lugar sa Visayas at Mindanao nang lumikha ito ng flashfloods at landslides.

Sa pinagsama-samang ulat na nakalap at patuloy pang bineberipika ng NDRRMC, nagtala ng 31 casualties sa Maguindanao; 16 sa Datu Odin Sinsuat, 10 sa Datu Blah, at lima sa Upi dahil sa mga baha at pagguho ng lupa.

Nabatid na walang typhoon signal sa bahagi ng Maguindanao kaugnay ng Bagyong Paeng subalit maraming lugar dito at sa Cotabato ang inilubog sa mahigit limang talampakang baha na lumikha ng landslides.

Maging sa Metro Manila ay maraming pamilya ang lumikas at pansamantalang nanuluyan sa mga evacuation center.

Sa Valenzuela City, nasa 119 pamilya na binubuo ng 433 indibidwal ang inilikas.

Sa District II, 72 pamilyang binubuo ng 267 indibidwal ang pansamantala pa ring nanunuluyan sa Valenzuela National High School sa Marulas, habang apat na pamilyang binubuo ng 17 indibidwal ang nasa Brgy. Hall ng Karuhatan. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD, JESSE KABEL/PAOLO SANTOS/ALAIN AJERO)

365

Related posts

Leave a Comment