QUEZON – Anim na katao na sangkot umano sa ilegal na pagbebenta ng produktong petrolyo o “paihi”, ang naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quezon Provincial Field Unit, Quezon PNP at mga tauhan ng Tiaong Municipal Police Station, sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Ayon sa report ng CIDG-Quezon, huli sa akto ang mga driver ng petroleum tanker trucks at ang kanilang mga kasabwat na buyer habang nagbibilihan sa kahabaan ng Tiaong Bypass Road sa Barangay Lumingon mag-aalas-9:00 ng gabi.
Modus ng mga ito na iparada ang mga tanker sa gilid ng bypass road kung saan ginagawa ang ilegal na bentahan.
Naaktuhan ng mga awtoridad ang dalawang tanker habang binabawasan ang karga nitong petrolyo at inilalagay sa mga plastic container.
Narekober sa mga suspek ang mahigit 100 litro ng diesel at cash money na mula sa bentahan.
Nasa kustodiya na ng Tiaong PNP ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kaso. (NILOU DEL CARMEN)
