ANIM na hinihinalang drug personalities ang arestado matapos makumpiskahan ng mahigit sa P.7 milyong halaga ng umano’y shabu sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Ayon sa imbestigasyon ni P/Cpl. Pamela Joy Catalla, dakong alas-3:00 ng madaling araw, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo sa ilalim ng pangangasiwa C/PCol. Ramchrisen Haveria Jr., sa walang numerong bahay sa Libis Bukid, Brgy. Malinta na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jeany Rose Radaza alyas “Apple,” 37-anyos.
Kasama ring inaresto sina Michael Anthony Balcruz, 49; Erlinda Gutierrez, 53; Babylyn Novilla, 42, at Elwood Edoyaga, 40, nang maaktuhan ng mga operatiba habang bumabatak ng umano’y shabu sa loob ng bahay.
Nakumpiska sa mga suspek ang 55 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P374,000 ang halaga, buy-bust money at ilang drug paraphernalia.
Bandang alas-10:28 naman ng gabi noong Martes nang unang matimbog ng kabilang team ng SDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Madregalejo sa buy-bust operation sa No. 208 Lords Candle St., De Castro Subd., Brgy. Paso De Blas si Remy Jaen, 41, matapos bentahan ng P8,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Ayon kay SDEU investigator P/SSgt. Ana Liza Antonio, narekober sa suspek ang tinatayang 55 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P374,000, buy-bust money at isang cellphone. (FRANCIS SORIANO)
762
