TRIGGER HAPPY COP SA QC PINADIDISMIS SA PNP

IPINAG-UTOS ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang pagsibak sa serbisyo sa pulis na bumaril at nakapatay sa isang 52-anyos na ginang sa Fairview, Quezon City noong Mayo 31, 2021

Ayon kay PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, nagsumite sila ng rekomendasyon sa tanggapan ni PNP chief, P/Gen. Guillermo Eleazar kaugnay sa pagsibak kay P/MSgt. Hensie Zinampan.

Sinasabing matibay ang mga katibayang natipon laban kay Zinampan partikular dito ang video sa ginawa nitong pagpatay bukod pa sa nakalap na mga testimonya ng mga saksi laban sa suspek.

Paliwanag ni Triambulo sa kanilang tatlong pahinang desisyon; “Three pages ang IAS resolution kasi hindi naman nag-contest ang respondent na pinatay niya ang victim. Nag-invoke lang siya ng mitigating circumstances para hindi dismissal ang hatol sa kanya”.

Matatandaan, ipinag-utos ni Eleazar na pabilisin ang proseso ng pagsasampa ng kasong administratibo sa suspek upang kaagad itong matanggal sa serbisyo bukod sa kasong murder na kinakaharap ni Zinampan.

“I have yet to read it as it was just received by my office. It has to undergo a thorough review because we need to ensure that all procedures were properly observed so we will not have any problems in case I approve his dismissal,” pahayag ni Eleazar.

Samantala, lumilitaw naman na lehitimo ang anti-narcotics operation na inilunsad ng mga operatiba ng Biñan PNP noong Hunyo 16 kung saan napatay ang dalawang indibidwal kabilang ang menor de na si Johndy Maglinte Helis.

Ayon kay Triambulo, nasa proseso na ngayon sa pre-charge investigation ang PNP IAS hinggil sa naging operasyon ng mga pulis.

Sinabi ni Triambulo, kahit legitimate ang operasyon ng mga pulis, kailangan pa ring imbestigahan kung paano napatay ang dalawa nang dakpin si Antonio Castillo Dalit.

Sa record ng Biñan PNP, isang law enforcement operation ang ikinasa ng mga pulis sa bisa ng warrant of arrest laban sa lolo ng live-in partner ni Helis na si Antonio Dalit alyas “Tala” at nakata bilang number 10 most wanted person sa probinsiya ng Laguna, ngunit pinutukan umano ang mga awtoridad ng dalawa kaya’t nagkaroon ng engkwentro na ikinamatay ng mga ito.

Paliwanag ng opisyal, layon nitong tingnan at bigyan ng pagkakataon ang respondents na patunayan na ang pagkamatay ay “in the performance of duty” at ang ginamit nilang pwersa na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek ay hindi “excessive”.

Si Dalit ay tinamaan ng mga bala sa pagitan ng kanyang leeg at tiyan habang si Johndy naman ay may tama ng mga bala sa kanyang tiyan at upper extremities.

Sa nasabing operasyon, 10 pulis ang iniimbestigahan ng IAS at kasalukuyang nasa restrictive custody. (JESSE KABEL)

244

Related posts

Leave a Comment