SWAK sa selda ang anim na indibidwal makaraang madakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kasong syndicated estafa at paglabag sa Article 177 (Usurpation of authority or official functions) ng Revised Penal Code.
Nabatid mula kay NBI Director Jaime Santiago, ayon sa inihaing reklamo noong Enero 02, 2025, sa tanggapan ng Special Task Force (STF) at Cybercrime Division (CCD), noong Disyembre 29, 2024, isa sa mga suspek ang nakipag-ugnayan sa complainant at inaalok ito ng puwesto bilang miyembro ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliament kapalit ng halagang P8,000,000.
Nakipaglaro naman ang complainant at ipinakitang interesado siya at
matapos ang sunud-sunod na pag-uusap, nagkasundo sila para sa appointment ng anak at pamangkin ng una, sa BARMM parliament na may kaukulang bayad na P15,000,000.
Tiniyak umano ng suspek sa complainant na dalawang posisyon ang nakalaan.
Sinabi pa umano ng suspek na ang matagumpay na appointees ay manunumpa sa kanilang panunungkulan sa Enero 3, 2025.
Isang pulong ang itinakda sa pagitan ng nagrereklamo at ng grupo noong Enero 2, 2025 sa Manila Hotel.
Base sa impormasyon, agad na nagsagawa ng joint entrapment operation ang STF at CCD na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na nagpakilalang mga empleyado ng Office of the President.
Nakumpirma namang hindi empleyado o konektado ang mga suspek sa Palasyo.
Kaugnay nito, pinapurihan ni Director Santiago ang mga operatiba ng STF at CCD sa kanilang mabilis na pagkilos sa kaso at idiniin na hindi ibinibenta ang mga posisyon sa gobyerno. (RENE CRISOSTOMO)
