6 KATAO ARESTADO SA P200K SHABU

ARESTADO ang 6 katao, kabilang ang isang Lalamove driver, sa magkahiwalay na buy-bust operation ng Quezon City Police District sa lungsod na ito.

Ang arestadong mga suspek ay kinilala ni P/Lt. Col. Joewie Lucas, commander ng Fairview Police Station 5 ng QCPD, na sina Willy Santos, 29, Lalamove driver; Nico John Mark Santos, 27; Kristina Cassandra Santiano, 18; at Reyslie Marie Baier, 18-anyos.

Pasado alas-12:00 ng madaling araw kahapon nang maaresto ang apat sa Camaro St., Brgy. Greater Fairview, Quezon City at nakumpiska ang 15 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P102,000 ang halaga, cellular phone, at ang buy-bust money.

Kinilala naman ni P/Lt. Col. Von June Nuyda, commander ng Galas Police Station 11, ang dalawa pang suspek na sina Ritchel Garcia, 32, at Joel Laguitan, 28-anyos.

Nakumpiska sa dalawang suspek ang 11 sachets ng shabu na tinatayang P122,400 ang halaga, isang cellular phone, at ang the buy-bust money.

Ang dalawang suspek na sina Garcia at Laguitan ay nadakip ng mga operatiba ng PS-11 bandang alas-11 noong Martes ng gabi sa #144 Bayani St., Brgy. Doña Imelda, Quezon City.

Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (LILY REYES)

390

Related posts

Leave a Comment