ANIM na indibidwal ang sugatan kabilang ang isang naputulan ng kamay, makaraan ang pagsabog ng isang aircon compressor habang binabaklas ito noong Linggo ng hapon sa panulukan ng Tayuman at Dagupan Streets sa Barangay 234, Tondo, Manila.
Ayon kay Police Major Philipp Ines, hepe ng Public Information Office ng Manila Police District, kinilala ang mga biktima na sina alyas “Christina” 36; “Mike”, 49; “Roman”, 51; “Ryan”, 43; “Jimboy,” 59, at isang 14-anyos na menor de edad.
Batay sa ulat ni Police Major Arnold Echalar ng Sector Bravo Line Beat 3 and 4 ng Tactical Motorized Rider’s Unit (TMRU) ng Moriones Police Station 2 ng Manila Police District, bandang alas-3:25 ng hapon nang i-report ang insidente sa pulisya.
Ayon sa salaysay ni Niño Cervantes, 45, kagawad ng Brgy. 54, sa tanggapan ni Police Lieutenant Colonel Gilbert Cruz, station commander, nagulat na lamang ang mga barangay official nang makarinig ng malakas na pagsabog sa ‘di kalayuan sa lugar.
Mabilis na isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center at Tondo General Hospital ang mga biktima para malapatan ng lunas.
(RENE CRISOSTOMO)
211 