ANIM na indibidwal ang binitbit ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), katuwang ang pulisya ng Pakil Municipal Station ng Laguna, makaraang mabuking sa pamimili ng boto noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang mga suspek na sina alyas “Norberto” 51, driver, dismissed police ng Calamba Laguna; “Carlo Ryan”, 42, ng Tondo; “Allan”, dati nang naaresto ng NBI, at dating consultant; “Jojo”, 33, ng Tondo, Manila; “Edgardo”, 57, ng Batangas City, “Ernesto”, 63, habang nakatakas naman ang isang alyas “Limuel” ng Laguna.
Base sa ulat ni Atty. Dennis Asistion ng Laguna, bandang alas-3:15 ng hapon nang damputin ang mga suspek sa harap ng Kabulusan Elementary School sa Provincial Road, Barangay Kabulusan, Pakil, Laguna.
Ayon sa report ang NBI, sa pakikipagtulungan ng Pakil Municipal Station, naaresto ang mga suspek sa kasong Usurpation of Authority at paglabag sa Republic Act 10591 in relation to omnibus Election Code.
(RENE CRISOSTOMO)
