Camp General Alejo S Santos, City of Malolos, Bulacan – Arestado ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang makumpiskahan ng mahigit anim na kilo ng marijuana sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Guiguinto Municipal Police Station sa Brgy. Malis, sa bayan ng Guiguinto sa lalawigan nitong Biyernes ng madaling araw, Oktubre 10, 2025.
Ayon sa report na ipinadala ni PLt. Col. Leonardo Lim, hepe ng Guiguinto Police Station, nadakip ang suspek na kinilalang si alyas “Botong”, 29, residente ng nasabing barangay.
Batay sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-1:15 ng madaling araw nang ikasa ng mga pulis ang drug entrapment kung saan nasamsam mula sa suspek ang tinatayang 6,020 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga na humigit-kumulang P601,000.00.
Agad dinala sa Guiguinto MPS ang suspek at ang nakumpiskang mga ebidensya para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Ayon kay PCol. Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Bulacan.
Patuloy na nakatuon ang Bulacan PNP sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na pamayanan sa pamamagitan ng walang humpay na pagtugis sa mga sangkot sa ilegal na droga.
(ELOISA SILVERIO)
