NAGKAISA ang 17 congressmen na magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y depektibo at hindi kumpletong training program na ipinatutupad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kaya 6% lang sa kanilang mga estudyante ang nakakukuha ng trabaho.
Sa House Resolution (HR) 1394 na inakda ng mga mambabatas sa pangunguna ni Makati Rep. Luis Campos Jr., nakababahala aniya ang report ng Commission on Audit (COA) na 6 sa bawat 100 TESDA graduate ang nakakukuha ng trabaho.
Hindi matanggap ng mga mambabatas na sa kabila ng patuloy na pagtaas ng pondo ng nasabing ahensya ay bigo pa rin ang mga ito na mabigyan ng maayos na training ang mga tao para sa trabahong gustong pasukan.
Sinabi ni Campo na nais nilang maglunsad ng imbestigasyon at rebyuhin ang Special Training for Employment Program (STEP) ng TESDA at alamin kung bakit 6 sa bawat 100 graduate lang nito ang nagkakatrabaho.
Base anila sa report ng COA, sa 75,004 na TESDA graduate noong 2019, umaabot lang sa 5.64% o 2, 451 ang nakakuha ng trabaho base sa kanilang pinag-aralan sa ahensya.
“The employment rate achieved is substantially low compared with the agency’s target of 65 percent of total graduates. Hence, the program failed to attain its objective to promote employment through entrepreneurial, self-employment and service-oriented activities,” ayon sa report ng COA.
Hindi umano ito katanggap-tanggap dahil noong 2019 ay P2.1 billion na ang pondo sa STEP ng TESDA.
Labis din ikinabahala ng mga mambabatas ang report ng COA na mula sa 137,522 slot para sa STEP noong 2019 ay 111,333 na naka-enroll o katumbas lang ng 81% at sa nasabing bilang 75,004 ang naka-graduate at 2,451 lang ang nakakuha ng trabaho.
Dahil dito, duda ang mga mambabatas na may problema sa STEP ng TESDA na nais nilang alamin dahil ginawa anila ito para matulungan ang mga Pilipino na hindi nakatapos ng pag-aaral na magkaroon ng training para sa trabahong gusto nilang pasukan. (BERNARD TAGUINOD)
