6 TODAS, 9 SUGATAN SA MINI BUS SA PAMPANGA

MASUSING iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nangyaring pagsalpok ng minibus sa isang tricycle at kolong-kolong bago tinamaan ang isang waiting shed at poste ng kuryente na naging sanhi ng kamatayan ng anim katao at pagkasugat ng siyam na iba pa noong Linggo ng hapon sa Lubao, Pampanga.

Ayon sa inisyal na report, bandang alas-4:30 ng hapon nang biglang salpukin ng rumaragasang Oster Line minibus ang tricycle at isang kolong-kolong (motor na may side car) at nakaladkad ang mga ito.

Nabatid mula kay Police Lt. Col. Julius Javier, hepe ng Lubao Police, tatlong pasahero ng tricycle, dalawang nag-aabang sa kalsada at isang konduktor ang mga namatay sa insidente.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng minibus ang kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue Road sa Barangay San Isidro, Lubao nang araruhin nito ang tricycle at kolong-kolong sa unahan nito.

Bumangga pa ang bus sa isang waiting shed at poste ng kuryente.

“So, after natamaan ng minibus ‘yung tricycle sa harapan niya, tumama ito sa isang nakaparadang kolong-kolong bago tumama sa waiting shed then poste ng kuryente,” pahayag ni P/Lt. Javier.

Kakasuhan ng multiple homicide, physical injuries and damage to properties ang driver ng minibus, na sinasabing nawalan ng preno ang kanyang minamanehong sasakyan.

Ayon sa ilang nakakita, mabilis ang takbo ng mini bus na galing ng Balanga, Bataan at patungo ng San Fernando. (JESSE KABEL)

214

Related posts

Leave a Comment