ISABELA – Nasabat ng mga tauhan ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang kahon-kahong sigarilyo na ilegal na ibiniyahe ng Korean national at driver nitong Pinoy sa bayan ng Naguilian sa lalawigang ito, noong Huwebes.
Sa natanggap na email ng SAKSI NGAYON mula Camp Marcelo A. Addura, Tuguegarao, kinilala ni Regional Director PRO2 P/BGen. Angelito Casimiro sa kanyang report kay PNP P/Gen. Archie Gamboa, ang mga suspek na si Xiu Zou Wu, 42, Korean, negosyante, at driver niyang si Roger Aparilla, 40-anyos.
Ayon ulat, nadakip ang mga suspek dakong alas-3:00 ng hapon sa Brgy. Palattao, Naguilian, Isabela, ng pinagsanib na personnel ng Naguilian PS, sa pamumuno ni P/Maj. Gary Macadangdang, PIB, sa pamumuno ni P/Maj. Dennis Pamor, 2nd IPMFC, at Isabela Provincial Highway Patrol Team, sa pamumuno ni P/Maj. Rey Sales, makaraang pahintuin ang Fuso Wing van Truck (CAZ 1548) sa quarantine control point.
Nang buksan ang truck, nadiskubre ang kahon-kahon ng iba’t ibang klase ng mga sigarilyo.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 8293, Sec. 155 (Intellectual Property Code); Customs Modernization Tariff Act; National Internal Revenue Code, Sec. 263, at 265 at RA 11332. (JOEL O. AMONGO)
