BULACAN – Isang 67-anyos na matandang babae ang namatay makaraang ma-trap sa kanyang bahay nang sumiklab ang sunog at mabilis na tumupok sa apat na kabahayan sa Barangay San Marcos, sa bayan ng Calumpit, sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi at naapula nitong Lunes ng madaling araw.
Base sa isinumiteng report kay P/Col. Charlie A. Cabradilla, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, kinilala ang biktimang si Leah H. Regala, residente ng Purok 2, Barangay San Marcos, Calumpit, na nadiskubreng patay na matapos ang sunog na tumagal na halos tatlong oras bago naapula.
Nabatid na dakong alas-10:00 ng gabi noong linggo nang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Purok 2, Barangay San Marcos na mabilis na kumalat sa tatlong katabing bahay na pawang yari sa light materials at kasamang nasunog ang bahay ng biktima kung saan hindi na ito nakalabas.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na ganap na naapula dakong alas-12:30 ng madaling araw nitong Lunes. (GINA BORLONGAN)
233 