MULING nakapagtala ng pitong bagong namatay dahil sa COVID-19 ang Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area noong Marso 16.
Sa Navotas City, dalawa ang namatay sa nasabing virus sa nasabing petsa at umakyat sa 759 ang active COVID-19 cases makaraang 63 ang muling nagpositibo habang 50 ang gumaling.
Umabot na sa 6,917 ang tinamaan ng virus sa lungsod, sa bilang na ito ay 5,949 na ang gumaling at 209 ang namatay.
Samantala, nilagdaan ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang Executive Order (EO) No. TMT-040 Series of 2021, nakasaad ang pagsasailalim sa barangay hall ng San Jose sa lockdown, simula hatinggabi noong Marso 16 dahil apat na kawani nito ang nagpositibo sa COVID-19.
Sa Malabon City, tig-isa ang namatay dahil sa COVID-19 sa Brgy. Baritan at Brgy. Tonsuya noong Marso 16.
Ayon sa City Health Department, 66 ang nadagdag na confirmed cases sa nasabing araw, at sa kabuuan ay 7,855 na ang positive cases, 673 dito ang active cases.
Habang 42 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay 6,901 ang recovered patients ng siyudad at 281 ang namatay.
Sa Valenzuela City, tatlo naman ang namatay dahil sa COVID-19 noong Marso 16,
Nabatid sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), 466 ang active cases sa lungsod, 86 ang naitalang gumaling, habang 49 ang bagong nagpositibo sa swab test.
Dagdag pa ng CESU, umabot na sa kabuuang 10,891 ang nasapol ng virus sa lungsod. Sa bilang na ito ay 10,221 na ang nakarekober habang 294 ng namatay.
Samantala, patuloy naman sa paglobo ang active COVID-19 cases sa lungsod ng Caloocan na umabot sa 756 noong Marso 16.
Umabot na sa 15,693 ang tinamaan ng virus sa siyudad. Sa bilang na ito ay 14, 434 na ang gumaling at 503 ang namatay. (ALAIN AJERO)
