PITONG high ranking members ng komunistang New People’s Army ang nagpasyang magbalik-loob sa pamahalaan kaya dumulog sa pulisya at militar noong Biyernes upang sumuko sa Brgy. Sagrada Familia, Bula, Camarines Sur.
Batay sa isinumiteng report ng Camarines Sur Police Provincial Office, sa tanggapan ni PNP-PRO5 Director Jonnel C. Estomo, ang mga nagbalik-loob ay mga miyembro ng “Roberto Ragalario/Ambie/Pilo” command, kalihim ng Larangan 1, Komite ng Probinsya 5 na nakatuon ang operasyon sa bayan ng Bula at iba pang parte ng Camarines Sur.
Kabilang sa mga sumuko ang commanding officer nito na si alyas “Jack,” ang kalihim na si “Robert,” gayundin sina “Mentita” na bise ng kalihim; “Araceli” ng Sangay ng Partido Lokalidad (SPL) Educ; “Vicky” ng SPL Economic/Finance; “Shiela” na SPL med; at Alexander, SPL member.
Pinangunahan ng Regional Intelligence Unit 5-PIT2 kasama ang Bula MPS, Camarines Sur PIU, Camarines Sur PECU, 2nd CSPMFC, 501st MC, RMFB5 at 49IB, 9MIB, 9ID, PA, ang pagtanggap sa rebel returnees.
Sila ay gagabayan ng PNP Bicol at Philippine Army sa pagsisimula ng bagong yugto ng kanilang buhay na malaya at walang pangamba kasama ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng gobyerno, sila ay mabibigyan ng tulong sa kanilang pagbabagong buhay.
“Ang Executive Order No. 70 ay patuloy na pinalalakas ang ‘whole-of-nation approach’ upang tuluyan nang wakasan ang armadong pakikibaka. Sa pagharap n’yo ng panibagong yugto ng inyong buhay, hayaan n’yo kaming samahan kayong bumangon para sa matahimik at puno ng pag-asa para sa mga susunod pang henerasyon,” pahayag ni P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)
189 