ARESTADO ang isang Chinese national habang tinutugis ang pitong kababayan nito na pawang mga suspek sa halinhinang paggahasa sa dalawang foreign nationals.
Ang suspek na si Ning Yuangquiang, 34, kasalukuyang nakadetine sa detention facility ng Pasay City Police, ay nahaharap sa kasong rape at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002
Ang Chinese national ay sangkot sa umano’y kidnapping at rape sa dalawang foreign nationals sa Pasay City, ilang araw pa lang ang nakalilipas.
Nasakote ang Chinese national na si Ning sa follow-up operation ng Pasay City Police Criminal Investigation Division na pinamumunuan ni P/Lt. Dennis Desalisa.
Ikinasa ang operasyon matapos na makatakas ang Vietnamese national at Cambodian national na parehong biktima ng panggagahasa ng walong Chinese na lalaki na salit-salitang gumahasa sa mga ito.
Nauna rito, humingi ng tulong ang dalawang biktima sa mga barangay tanod na nagpapatrolya makaraan nilang tumalon sa bintana dakong alas-12:40 ng madaling araw noong Agosto 23. Agad namang dinala ang mga biktima sa Pasay City Police Station
Matapos ang inisyal na salaysay ng mga biktimang foreign national, nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya at nakita sa CCTV ang walong suspek at ang sasakyang Toyota Vios na may plate number NGX 1490 na ginamit ng mga ito.
Sa isinagawang follow-up operation, pasado alas-10:20 ng gabi noong Agosto 25, nakita ang sasakyan na ginagamit ng isa sa mga suspek na kinilalang si Ning, sa Macapagal Boulevard sa lungsod ng Pasay na agad dinakip ng mga operatiba.
Nakumpiska sa suspek na si Ning, 34, ang isang 9MM pistol, isang magazine na may walong live ammunitions at dalawang bulto ng ipinagbabawal na shabu.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang pito pang Chinese nationals na kasama ng suspek na si Ning sa krimen. (DAVE MEDINA)
