PABOR ang pito sa bawat 10 Pilipino na ipagpatuloy at palawakin pa ang Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) program ng gobyerno na mahalaga umano sa mahihirap na pamilya, ayon sa Tugon ng Masa (TNM) nationwide survey ng OCTA Research.
Sa isinagawang face-to-face interview mula Enero 25 hanggang 31, 2025 sa 1,200 respondents, 69% ang nagsabi na sila ay pabor na ipagpatuloy at paramihin pa ang mga benepisyaryo ng AKAP, isang financial aid program ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga pamilyang kinulang ang kita dahil sa problemang dumating.
Ayon sa survey, 79% ng mga Pilipino ay alam ang AKAP— 88% sa Visayas, 85% sa Mindanao, at 81% sa Metro Manila, na isang indikasyon na malaking bahagi ng populasyon ang nakakaalam nito.
Ang suporta sa pagpapalawig ng AKAP ay suporta ng lahat ng socio-economic classes na naitala sa 69% na patunay na kinikilala ang programa anoman ang estado sa buhay.
Sa mga rehiyon, ang Balanse ng Luzon ang nakapagtala ng pinakamataas (74%) at pinakamababa naman sa Visayas (63%). Pinakamataas naman ang suporta sa AKAP sa mga urban areas (72%) at pinakamarami ang mga lalaking pabor sa programa (67%).
Sa mga rehiyon, ang MIMAROPA region ang nakapagtala ng pinakamataas na suporta (100%) na sinundan ng Cagayan Valley (82%) at Central Luzon (85%). Ang pinakamababang suporta naman ay naitala sa Northern Mindanao (49%), CARAGA (42%), at BARMM (52%) marahil dahil sa pagkakaiba ng implementasyon nito.
Ang mataas na suportang nakuha ng AKAP ay maaaring maka-impluwensya sa mga policymaker at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng konsiderasyon sa programa.
Kawalang kaugnayan sa pulitika ang isinagawang OCTA Research survey na mayroong ±3% margin of error at 95% confidence level.
