DALAWANG tauhan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at pitong sundalo ang malubhang nasugatan sa pagsabog ng itinanim na landmine sa bayan ng Buadiposo-Buntong sa Lanao del Sur, ayon sa ulat ng militar at pulisya nitong Miyerkoles.
Sa inisyal na ulat ng Philippine Army 103rd Infantry Brigade, isa sa mga sundalo na nagbabantay sa mga manggagawa ng NGCP ang nakatapak ng itinanim na bomba ng hindi pa kilalang grupo sa paanan ng transmission tower sa bayan ng Buadiposo-Buntong, na nagresulta sa nasabing pagsabog.
Nangyari ang pagsabog bandang alas-7:00 ng umaga noong Martes habang nagsasagawa ng pagsusuri sa isa sa 138-KV transmission line towers ang NGCP linemen, kasama ng mga sundalo, na nag-tripped noong nakaraang Linggo.
Agad itinakbo sa isang pagamutan sa Marawi City ang mga sugatang sundalo mula sa 55th Infantry Battalion at dalawang lineman.
Ayon kay Brigadier General Jose Maria Cuerpo II, commander ng Army’s 103rd Infantry Brigade, kasalukuyan pa nilang tinutukoy ang armadong grupo na responsable sa landmine attack.
Nanawagan naman ang NGCP sa local leaders na tulungan sila na kilalanin ang mga responsable sa pagtatanim ng bomba sa kanilang transmission line base.
Dalawang helicopter mula sa Philippine Air Force na nakabase sa Lumbia, Cagayan de Oro, ang naatasan para mag-airlift sa mga biktima.
Habang isa pang chopper ang inatasang lumipad para magsagawa ng surveillance operation sa posibleng pinsala ng pagsabog, at sa lugar na maaaring tinakbuhan ng mga suspek.
“Usually, the bomb is attached to the tower and exploded to topple it down. This is different. The bomb was planted to injure people,” ayon sa opisyal.
Nabatid na kinailangan na maglakad ang mga sundalo at linemen ng dalawang araw para lamang marating ang 138-KV transmission tower na nasa liblib na lugar.
Ang tower ang nagkokonekta sa Agus 1 Hydroelectric Plant sa relay station sa Kibawe, Bukidnon, para makapag-supply ng kuryente ang National Power Corporation at NGCP sa Southern Mindanao. (JESSE KABEL)
312 