700K TONS NG BASURA INALIS SA PAMPANGA RIVER

HALOS 700,000 tonelada ng silt at solid waste ang inalis sa Pampanga River mula sa inisyatiba ng San Miguel Corporation (SMC), sa pagsisikap nitong makatulong na mapawi ang pagbaha sa buong Luzon.

Ito ang inanunsiyo ng SMC kaugnay sa pagkumpleto ng malawakang pagsisikap sa paglilinis ng Pampanga River, sa pag-alis ng nasabing dami ng silt at solid waste.

Mula kalagitnaan ng Agosto hanggang Disyembre, inalis ng SMC ang humigit-kumulang 694,372 cubic meters ng silt at solid waste mula sa 26.3 kilometro ng Pampanga River, bilang bahagi nang matagal nang inisyatiba nitong “Better Rivers Ph”.

Ang proyekto, sa pangunguna ni SMC Chairman at CEO Ramon S. Ang, ay ginawa nang walang gastos ang gobyerno at buwis.

Nabatid na ang proyekto ay nagpalalim sa mga daluyan ng ilog at nagpabuti ng daloy ng tubig palabas sa Manila Bay.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paglilinis ng Pampanga River: “The Pampanga River is a major waterway in Central Luzon. Ang tubig mula rito ay napupunta sa marami pang ibang probinsya, kabilang ang Bulacan, na nasa ibaba ng agos.”

“Dahil ang ilog ay medyo mababaw dahil sa siltation at polusyon, sa panahon ng malakas na pag-ulan, ang tubig ay madaling umapaw sa maraming lugar, na nakakaapekto sa mga bukirin at komunidad at maging sanhi ng pagbaha sa ibang mga lugar. So, it was imperative for us to come here and help clean up the river,” ani Ang.
Sa Macabebe, isang bayan ng pangingisda sa tabing-ilog sa Pampanga, sinabi ni Vice Mayor Vince Flores na ang dredging ng Pampanga River ay kumakatawan sa higit na paglilinis.

“Ito ay isang lifeline para sa isang bayan na nabibigatan ng papel nito bilang natural catch basin,” sabi ni Flores.

“Dito napupunta ang tubig baha mula Nueva Ecija at San Fernando. Bago ito (paglilinis ng ilog), umabot ng mga araw o linggo, bago bumaba ang tubig. Ngayon, sa mas malalalim na channel, mas mabilis na humupa ang baha.”

Ang paglilinis ng Pampanga River ay nagdaragdag sa listahan ng SMC ng mga nakumpletong hakbangin sa ilog, kasunod ng malawakang paglilinis nito sa mga sistema ng Bulacan River noong nakaraang taon, kung saan nakakuha ito ng mahigit 4.31 milyong metrikong tonelada (M/T) ng banlik at basura mula sa 74.5 km ng mga ilog. (ELOISA SILVERIO)

395

Related posts

Leave a Comment